Gabriela, uupong 64th party-list group sa Kongreso
Opisyal nang kinilala ng Commission on Elections (Comelec) ang Gabriela Women’s Partylist bilang 64th party-list group na makakaupo sa House of Representatives.
Ayon sa Comelec, ang unang nominee ng grupo na si Sarah Elago ang siyang uupo sa Kongreso bilang kinatawan ng Gabriela.

Sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na bagama’t hindi pa pormal na naipapaabot sa partido ang desisyon, malinaw na wala nang hadlang para sa kanilang pag-upo. Aniya, ilang beses nang bumalik ang Gabriela sa tanggapan ng Comelec para sa kanilang proklamasyon at inaasahang pormalidad na lamang ito na isasagawa ngayong linggo.
Ang Gabriela Partylist na nagsusulong sa proteksyon at kapakanan ng kababaihan ay oookupa sa karagdagang pwesto sa Kongreso makaraang kumpirmahin ng Comelec na ang 63 party-list sector ay hindi nababatay sa isinasaad ng Konstitusyon na dapat ay may 20% allocation sa Kamara.
Sa ngayon, nasa 19.8% lamang ang House membership ng party-list groups at sa pagpasok ng Gabriela, aabot na ito sa 20.4%.
Samantala, inanunsyo rin ng Comelec na target nilang makapagrehistro ng hindi bababa sa three million overseas voters para sa 2028 National at Local Elections.
Giit ng poll body, kritikal ang halalan sa taong iyon dahil muling pipili ang taumbayan ng presidente, bise presidente, at iba pang matataas na opisyal ng bansa.
Magsisimula ang overseas registration sa December 1, 2025 at magtatapos sa September 30, 2027. Makikipag-ugnayan ang Comelec sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maabot ang target.
Batay sa datos ng May 2025 elections, mahigit 1.2 million overseas Filipino voters ang nakarehistro. #
