Online platforms na ginagamit sa bentahan ng illegal items, posibleng i-shutdown
Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC na posibleng harangin o pansamantalang i-shutdown ang ilang social media at online shopping platforms sa bansa kung patuloy na makikitang ginagamit sa pagbebenta ng mga iligal na produkto at iba pang “online harms”.
Ayon kay CICC Chief Usec. Renato “Aboy” Paraiso, kasama sa mga tinutukoy na paglabag ang pagbebenta ng fake products, mga gamot at vape na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA), gayundin ang pagpapakalat ng maling impormasyon at deepfake videos.
Binanggit niyang nagsimula nang makipagtulungan sa pamahalaan ang ilang kumpanya gaya ng TikTok at Shopee para sugpuin ang naturang aktibidad. Gayunpaman, aminado siyang hindi pa ito ganap na perpekto at may mga panuntunan pang dapat sundin.
Kasabay nito, inilunsad naman ng Department of Trade and Industry o DTI ang E-commerce Philippine Trustmark na layong ipakilala sa publiko ang mga lehitimong online seller at platform.
Sa ngayon, nabigyan na ng trustmark ang TikTok, habang inaasikaso pa ang aplikasyon ng Shopee, bilang bahagi ng pagpapatupad ng Internet Transactions Act. #
