Toll hike sa SCTEX, ipatutupad simula September 9
Magsisimula ngayong Martes, September 9, ang third and final tranche ng dagdag-singil sa toll fees sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), matapos aprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB).
Batay sa desisyon ng TRB, madaragdagan ng ₱0.64 kada kilometro ang toll para sa Class 1 vehicles gaya ng kotse, jeepney at motorsiklo; ₱1.29 naman kada kilometro para sa Class 2 gaya ng malalaking SUV at may trailer; ₱1.93 kada kilometro para sa Class 3 o mga malalaking truck.
Sa bagong toll adjustments, tataas nang ₱25 ang bayad ng Class 1 vehicles mula Mabalacat City hanggang Tarlac, ₱51 para sa Class 2, at ₱75 para sa Class 3.
Para sa rutang Mabalacat hanggang Tipo, Hermosa, Bataan, aabot sa ₱40, ₱80 at ₱121 ang dagdag para sa tatlong klase ng sasakyan.

Ipinaliwanag ng TRB na bahagi ang taas-singil ng nakabinbing periodic adjustments na dapat ipinatupad pa noong 2021 at 2023, ngunit hinati sa tatlong yugto upang hindi mabigla ang mga motorista.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng SCTEX na tuloy-tuloy ang kanilang mga proyekto para sa mas ligtas at maginhawang biyahe. Kabilang dito ang RFID system upgrades, karagdagang security cameras, maintenance works, at mga pasilidad gaya ng rainwater collection systems sa mga rest area. #
