Engr. Alcantara ng Bulacan 1st DEO, guilty sa iba’t ibang admin case: DPWH
Guilty sa mabibigat na kasong administratibo si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office Engineer Henry Alcantara, ayon kay Secretary Vince Dizon.
Paliwanag ng Kalihim, patunay ang desisyon laban sa dating district engineer na seryoso ang ahensya sa kampanya kontra katiwalian, lalo na sa mga proyektong hindi napapakinabangan ng publiko.
Binanggit ni Dizon na si Alcantara ay napatunayang may sala ng grave misconduct, gross neglect of duty, at iba pang mabibigat na paglabag na nakasaad sa 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service.


Dagdag pa ng Kalihim, susundan ang hatol ng paghahain ng criminal case laban kay Alcantara at iba pang opisyal na sangkot. Kabilang dito sina dating Assistant District Engineer Brice Hernandez, Construction Section Chief Engineer Jaypee Mendoza, at Accountant 3 Juanito Mendoza.
Giit ni Dizon, ito ay malinaw na mensahe na hindi palalampasin ang mga opisyal na kumikita mula sa ghost projects at substandard works.
Nauna nang sinibak ng kalihim sa pwesto si Alcantara nitong Huwebes, September 4, kasabay ng kanyang naging pagbisita sa isang “ghost project” sa Brgy. Sipat, Plaridel, Bulacan. #
