Alex Eala, makakatapat si Kayla Day ng USA sa semis ng Guadalajara Open

Aabante na patungong semifinals ng Guadalajara Open si Filipina tennis star Alex Eala matapos manalo ng dalawang beses sa loob lamang ng isang araw.
Unang sinubok si Eala sa matinding three-set battle kontra kay Varvara Lepchenko ng United States, pero hindi nagpadaig ang Pinay at tinapos ito sa score na 6-7, 7-6, 6-3.
Hindi pa roon nagtapos ang kanyang pagpapakitang-gilas dahil agad niyang sinundan ito ng straight-sets win laban kay Nicole Fossa Huergo ng Italy.
Nagtapos ang kanilang laro sa score na 7-6, 6-2 at naging dahilan para makapasok siya sa Final Four.
Sa semis, makakatapat ni Eala si Kayla Day ng USA, na siyang nagpatalsik sa third seed na si Emiliana Arango ng Colombia.
Isang umatikabong laban ang dapat abangan, lalo pa’t si Eala na lang ang natitirang seeded player sa torneo, bitbit ang tsansang makaabot sa finals.
Determinado ang Filipina tennis star na makuha ang kanyang kauna-unahang WTA title matapos ang runner-up finish sa Eastbourne Open nitong Hunyo. #
