‘Quota system’ sa PNP operations, pinabulaanan ni Gen. Nartatez
Mariing itinanggi ni acting Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang alegasyon na mayroong quota system sa pag-aresto ng mga suspek.

Ayon kay Nartatez, nakabatay ang lahat ng kanilang operasyon sa impormasyon na nakakalap nila sa imbestigasyon at mga ulat na dumarating sa araw-araw at hindi sa bilang ng huhulihin.
Ito ay tugon sa panawagan ng detainee rights advocacy group na ‘Kapatid’ na i-reverse o baligtarin ang naunang pahayag ni dating PNP chief Gen. Nicolas Torre III hinggil sa paggamit ng bilang ng mga naaresto bilang sukatan ng performance ng mga pulis.
Kasabay nito, iniulat din ni Nartatez ang mga pangunahing operasyon ng PNP mula August 22 hanggang 28 na nagresulta sa pagkakaaresto ng higit 1,000 katao at pagkakasamsam ng malaking halaga ng iligal na droga.
Iginiit din ng PNP chief na magpapatuloy ang mas pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad at iligal na droga, kasabay ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa isang disiplinado at epektibong hanay ng PNP. #
