Hidilyn Diaz at gov’t agencies, magtutulungan sa paghubog ng susunod na henerasyon ng atleta

Isang bagong hakbang para sa grassroots sports development ang inilunsad kung saan magsasanib-puwersa ang Philippine Sports Commission (PSC), Department of Education (DepEd), at Department of Budget and Management (DBM) upang palakasin ang sports program sa mga pampublikong paaralan.
Pangunahing katuwang dito si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, na magsisilbing tagapagsulong ng inisyatibang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa kabataan na mahubog bilang mga pambansang atleta.

Sa kasalukuyan, may mahigit 300 public schools na ang may special curriculum para sa sports.
Bilang bahagi ng programa, magdo-donate ang PSC ng modern training equipment sa mga paaralan, habang hinihikayat din ang private sector na sumuporta.
Layon nitong gawing mas sistematiko at mas malawak ang pagsasanay ng mga batang atleta sa murang edad pa lamang.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang pagkakaroon ng isang champion tulad ni Diaz ay mahalaga upang magbigay inspirasyon sa mga kabataan.
Kasabay nito, inihayag naman ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na maglalaan ang kanilang tanggapan ng ₱180 million na pondo para sa pagpapatayo ng mga pasilidad, kabilang ang isang weightlifting academy. #
