SBMA, pinarangalan sa Legacy Awards 2025

Pinarangalan bilang Outstanding Government Agency for Special Economic Zone Management ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa ginanap na Legacy Awards 2025 sa Okada Manila.
Binibigyang-diin ng parangal ang mahalagang papel ng SBMA sa pagpapanatili ng kabuhayan at paglikha ng kita na direktang nakikinabang ang mga manggagawa at lokal na pamahalaan sa paligid ng Subic Bay Freeport.
Ayon kay SBMA Chairperson at Administrator Eduardo Jose Aliño, nananatiling tungkulin ng ahensya ang lumikha ng trabaho at mag-ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Noong 2024, nakapag-remit ito ng ₱3.07 bilyong dibidendo sa national government at nakapagbahagi ng ₱347 million sa mga karatig-bayan at lungsod.
Kabilang din sa mga proyekto ng SBMA ang Subic Bay Residencias na isang pabahay para sa mga manggagawa ng Freeport, pagtatayo ng dormitoryo, at ang paglulunsad ng electric vehicles sa loob ng zone.
Para kay SBMA Senior Deputy Administrator Ramon Agregado, paalala umano ang karangalang ito na patuloy pang paghusayin ng ahensya ang serbisyong ibinibigay sa mga stakeholder upang makamit ang mas mataas na kalidad ng pamumuhay sa Subic. #
