Filipina chess master, kampeon sa international ladies blitz

Isang makasaysayang tagumpay ang naabot ng pambato ng Pilipinas na si Woman Grandmaster (WGM) Janelle Mae Frayna matapos manguna sa 31st Abu Dhabi International Chess Festival – Ladies Blitz nitong August 22.
Tinapos niya ang kabuuan ng torneo nang walang talo sa siyam na laban, bitbit ang walong puntos mula sa pitong panalo at dalawang draw.
Sa mahigit 120 manlalaro mula sa 24 bansa, pinatunayan ni Frayna ang kanyang tikas at talino sa 64 squares at tinalo ang mga de-kalibreng kalaban kabilang na ang 28 titled players.
Dahil sa matibay niyang depensa at matatalim na opensa, nasungkit niya ang gintong medalya—na unang pagkakataon para sa isang Filipina sa women’s chess sa pandaigdigang entablado.
Tinawag ng mga kasamahan sa chess community ang panalo ni Frayna bilang “groundbreaking.”
Anila, hindi lamang nito inilagay ang Pilipinas sa mapa ng women’s blitz chess, kundi nagsilbi ring inspirasyon sa mga kabataang atleta na nagsisimula pa lamang sa kaparehong sport. #
