₱20 na bigas, hatid sa mga Pinoy na mangingisda

Magsisimula na ring makinabang ang mga mangingisdang Pilipino sa programang Benteng Bigas Meron Na simula sa darating na August 29, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Kasunod ito ng naunang pagpapalawak ng programa para sa mga magsasaka nitong August 13. Itinakda ng Kagawaran sa 10 kilo kada buwan ang limitasyon sa bawat mangingisda na bibili ng murang bigas.
Para sa distribusyon, makikipagtulungan ang National Food Authority o NFA sa Philippine Fisheries Development Authority upang mailapit ang bigas sa mga pamilihan at pantalan para madali umanong maabot ng mga benepisyaryo ang bigas direkta sa kanilang lugar.
Sa tala ng DA, nasa halos 2.9 milyong mangingisda sa buong bansa ang posibleng makinabang dito. Kabilang na ang mga rehiyong malaki ang ambag sa supply ng isda gaya ng Visayas at Mindanao.
Tiniyak naman ng Kagawaran na patuloy pa ring pinag-aaralan ang iba pang detalye ng implementasyon nito upang matiyak na patas ang pamamahagi ng bigas para sa lahat. #
