₱2.3-M ng “hot meat”, nasamsam sa Bulacan; 7, arestado
Pitong indibidwal ang naaresto matapos masabat ang humigit-kumulang 12,500 kilo ng hinihinalang “hot meat” sa isang operasyon sa Marilao, Bulacan nitong Miyerkules, August 20.
Nasa ₱2.3 million ang halaga ng naturang mga nakuhang produkto.

Ayon sa ulat ng Marilao Police, nadiskubre ang iligal na kargamento nang mamataan ng Barangay Peacekeeping and Action Team ng Sta. Rosa 1 ang paglilipat ng karne mula sa isang wing van papunta sa refrigerated van.

Agad itong iniulat sa National Meat Inspection Service (NMIS) at pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Nasamsam ang 435 na kahon ng karne na agad itinurn-over sa Marilao Police Station at kalaunan ay dinala sa NMIS para sa tamang pag-dispose.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek habang inihahanda ang kasong kriminal laban sa kanila sa ilalim ng Republic Act 9296 o ang Meat Inspection Code of the Philippines.
Tiniyak naman ng mga otoridad na mas paiigtingin pa ang operasyon laban sa pagbebenta ng iligal na karne upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko. #
