Infra investigation: Central Luzon, pinakamaraming flood-control projects sa ilalim ng PBBM admin

Humarap si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga miyembro ng media nitong Lunes, August 11, upang magbigay ng update sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng flood-control projects sa bansa.
Batay sa datos na iprinesinta ng Pangulo, umabot sa 9,885 flood control projects ang naipatayo sa buong bansa mula July 2022 hanggang May 2025. Aabot sa ₱545.64 billion mula sa pondo ng bayan ang ginastos para sa mga proyektong layong magbigay proteksyon laban sa pagbaha.
Sa kulang 10,000 na proyekto, pinakamarami ang matatagpuan sa Central Luzon, na sinundan ng Metro Manila at Bicol Region.

Sa Region 3, may kabuuang 1,617 flood control projects na nagkakahalaga ng ₱98.01 billion ang naipatayo sa ilalim ng Marcos, Jr. admin. Sa Metro Manila, umabot sa 1,058 ang infra projects na nagkakahalaga ng ₱52.57 billion, habang 866 na proyekto na may halagang ₱49.61 billion naman ang itinayo sa Bicol Region.
Batay sa presentasyon ng Pangulo, kabilang dito ang 668 na proyekto sa Bulacan, 292 sa Pampanga, at 258 sa Tarlac.
Samantala, maituturing naman umanong most flood prone o pinaka-bulnerable sa pagbaha ang lalawigan ng Pampanga na sinundan ng Nueva Ecija at Pangasinan.
Ayon pa sa Pangulo, kailangan ding siyasatin kung bakit may mga probinsiyang kabilang sa listahan ng pinaka flood-prone areas—gaya ng Nueva Ecija, Maguindanao, North Cotabato, at Oriental Mindoro—na hindi nakatanggap ng pinakamaraming flood control projects. #
