Panibagong hakbang laban sa bullying, itinutulak ng EDCOM 2 at DepEd
Umapela ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) sa agarang pagpapatupad ng bagong patakaran ng Department of Education (DepEd) laban sa bullying sa mga paaralan.
Kasunod ito ng naging pagpirma ni Education Secretary Sonny Angara sa revised implementing rules and regulations o IRR ng Anti-Bullying Act of 2013.
Ayon sa EDCOM 2, malaking hakbang ang ginawang reporma ng DepEd para gawing ligtas ang mga paaralan kabilang ang mas malawak na depinisyon ng bullying at mas mabigat na parusa para sa mga paaralang bigong tumugon sa mga kaso.
Binigyang-diin ng EDCOM 2 na kailangang seryosohin ng mga paaralan ang implementasyon, lalo’t lumabas sa Programme for International Student Assessment o PISA Report noong 2022 na halos kalahati ng mga batang Pilipino ay paulit-ulit na nabibiktima ng bullying.
Ayon naman kay Secretary Angara, ipamamahagi ang binagong IRR sa mga rehiyon at schools division offices sa buong bansa sa mga susunod na araw.
Samantala, hinimok din ng EDCOM 2 ang mga paaralan na isabay sa pagpapatupad nito ang pagsulong ng mental health programs sa ilalim ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, gaya ng pagkakaroon ng school-based counselors at care centers. #
