Bagong BSP Security Complex, itatayo sa New Clark City

Inaprubahan na ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang detailed development plan para sa bagong Security Complex ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na itatayo sa New Clark City sa Tarlac.
Ayon sa BCDA, bahagi ang naturang 31.3 hectares project ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magpatuloy ang malawakang imprastruktura at maipamahagi ang economic activity sa labas ng Metro Manila.

Target nitong ilipat ang ilang critical operations ng BSP upang mapalakas ang national resilience, lalo na sa panahon ng sakuna.
Bukod sa seguridad ng operasyon ng BSP, inaasahan ding magbibigay ito ng maraming trabaho at magpapasigla sa lokal na ekonomiya.
Inaasahan din ang paglilipat ng mga empleyado ng BSP at kanilang pamilya, na magdudulot ng bagong demand sa pabahay, transportasyon, at iba pang serbisyo sa Tarlac at karatig-probinsya.

Kaugnay nito, sinimulan na rin ng BCDA ang pagtatayo ng mga abot-kayang pabahay para sa mga empleyado ng gobyerno sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program.
Ang proyektong ito ay bahagi ng kabuuang plano na gawing smart at green city ang New Clark City, na may pasilidad na pasado sa global environmental at efficiency standards. #
