OFWs, hinikayat na magnegosyo sa Pilipinas

Hinikayat ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) ang mga Pilipino sa ibang bansa na mamuhunan sa Pilipinas bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na paigtingin ang economic engagement ng bansa.
Ayon kay CFO Secretary Dante “Klink” Ang II, nakatutok ang kanilang ahensya sa pagbibigay ng oportunidad para sa mga Overseas Filipinos (OFs) na makapagnegosyo, makapag-invest, at makapag-ambag sa development ng Pilipinas.
Kabilang sa mga hakbang ng CFO ang pagpapatatag ng “BaLinkBayan” platform na isang online portal kung saan maaaring makahanap ang mga OF ng mga oportunidad sa negosyo sa muling pagbalik sa Pilipinas.
Nakipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Philippine Stock Exchange upang hikayatin ang mga OF na mamuhunan sa local stock market.
Pinalalawak din ng CFO ang kanilang kampanyang PESO Sense na layuning itaas ang kaalaman ng mga OF at kanilang pamilya tungkol sa tamang paghawak ng pera, pag-iipon, at pag-iwas sa panlilinlang.
Kasama rin sa kanilang mga kasosyo ang Go Negosyo para itaguyod ang entrepreneurship sa mga OF na nais nang bumalik at muling makapagsimula sa bansa. #
