Online renewal ng driver’s license, isinusulong ng LTO

Pinalalakas ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya para hikayatin ang publiko na gamitin ang online system o e-Gov app sa pagre-renew ng kanilang driver’s license.
Ayon sa ahensya, bahagi ito ng adbokasiya ng administrasyong Marcos na gawing digital ang mga transaksyon sa pamahalaan upang mapabilis at mapagaan ang serbisyo sa mga mamamayan.
Kaugnay nito, inatasan na ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang lahat ng regional director ng ahensya na paigtingin ang ginagawang promotion nito.
Paliwanag niya, mas makatitipid sa oras, pera, at pagod ang mga Pinoy na abala sa trabaho kung online na lang ang renewal ng lisensya.
Binigyang-diin din ng LTO na isang epektibong paraan ang digital process na ito laban sa fixers at katiwalian.
Sa ngayon, available ang online renewal system sa buong bansa at maging sa ilang bahagi ng mundo, gaya ng Taiwan at Japan, para sa mga OFW. Ayon sa LTO, inaasahang mas marami pang global launches ang isusunod para maabot ang mga Pilipino sa Middle East, Europe, at North America. #
