Adolescent couples sa CSFP, sumailalim sa responsible parenthood seminar
Bilang bahagi ng selebrasyon ng National Nutrition Month ngayong July, isang seminar para sa young parents ng City of San Fernando ang pinangunahan ng City Health Office (CHO) at City Nutrition Committee (CNC) nitong Martes, July 15.

Dumalo sa aktibidad ang mahigit 30 adolescent couples na may bagong silang na anak o kasalukuyang buntis. Layon nitong bigyang-kaalaman ang mga kabataang Fernandino sa kahalagahan ng tamang nutrisyon, responsible parenthood, at family planning.



Sa ilalim ng temang “BIBA ang Magulang na may Puso, Oras, Disiplina, at Pagkalinga,” tampok sa aktibidad ang serye ng lectures mula sa health practitioners at opisyal mula sa CHO, CNC, City Population Office, at maging sa City Civil Registrar na tinalakay ang kahalagahan ng civil registration.

Pinangunahan ni Dr. Rowena Salas, City Health and Nutrition Action Officer, ang programa kasama ang iba pang eksperto sa kalusugan.
Ayon sa kanila, napapanahon ang ganitong mga talakayan lalo na’t dumarami ang kabataang maagang nagiging magulang na nangangailangan ng sapat na suporta para makabuo ng mas maayos at planadong pamilya.
Ang inisyatiba ay bahagi ng direktiba ng CSFP LGU sa ilalim ng health agenda, na naglalayong tiyaking may gabay at suporta ang bawat Fernandino sa pagharap sa bagong responsibilidad bilang magulang. #
