Iba’t ibang infrastructure projects sa ilang lalawigan sa Central Luzon, natapos na
Mas pinaigting pa ang mga infrastructure projects sa ilang bahagi ng Central Luzon, kabilang ang pagpapalawak ng mga kalsada at pagtatayo ng bagong pasilidad.
Sa Pampanga, mas mabilis na ngayon ang biyahe papunta sa Porac Municipal Hall dahil sa natapos na 860-meter access road sa Barangay Cangatba. Nagkakahalaga ng ₱98.9-milyon, ang proyektong ito na mula sa 2024 National Budget ay layuning gawing mas maginhawa ang paglalakad at pagmamaneho ng mga residente, lalo na ng mga kumukuha ng serbisyo sa munisipyo.

Sa Nueva Ecija, aabot sa ₱24.3-milyon ang nagastos sa pagpapalawak at pagsasaayos ng mga kalsada sa anim na barangay sa bayan ng Sto. Domingo.
Kabilang dito ang mahigit 1.9 kilometers na kalsada sa Barangay Baloc, Burgos, Pulong Buli, San Manuel–General Luna, at Buaosao na ngayon ay mas ligtas at mabilis nang madaraanan.

Habang sa probinsya ng Aurora, mas marami nang mag-aaral ang maaaring tanggapin ng Dingalan Community College matapos ipatayo ang isang 522-square-meter na gusali sa Barangay Davildavilan.

Ang bagong one-storey building ay nagkakahalaga ng ₱14.85-milyon. May apat na classrooms, isang canteen, air-conditioning, whiteboard, fire safety tools, at comfort rooms.
Bukod sa makakatulong ito sa kalidad ng edukasyon, magsisilbi rin itong venue ng iba’t ibang aktibidad ng komunidad. #
