‘Parents Welfare Act of 2025’, layong panagutin ang mga anak na pabaya sa matandang magulang
By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Muling inihain ni Senator Ping Lacson ang isang panukalang batas na magbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga may edad na magulang laban sa kapabayaan at pag-abandona ng kanilang mga anak.

Orihinal niya itong isinulong noong 2016 at muling inihain noong 2019 bilang Senate Bill No. 29. Ang pinakabagong bersyon ng panukala ay tinatawag ngayong “Parents Welfare Act of 2025.”
Layunin ng panukala na magpataw ng parusa sa mga anak na nagpapabaya o nang-iiwan sa kanilang magulang na matanda, may sakit, at wala nang kakayahang alagaan ang kanilang sarili.
Sa ilalim ng proposed bill, pwedeng magsampa ng petition for support sa korte ang mga magulang na nangangailangan para mailabas ang isang support order laban sa mga anak na tumangging magbigay ng suporta.
Maaari silang tulungan ng Public Attorney’s Office, at hindi na nila kailangang magbayad ng court fee.
Ayon kay Lacson, layunin nitong pagtibayin ang filial responsibility at gawing krimen ang pag-abandona o pagpapabaya sa magulang.
Ipinunto ng mambabatas na bagama’t malinaw sa Family Code na obligasyon ng mga anak ang suportahan ang kanilang magulang, marami pa ring matatanda na hindi na kayang mag-isa at naiiwan nang walang tulong o suporta mula sa kanilang mga anak.
Sa pamamagitan nito, mas mapapalakas at mapagkakaisa ang bawat pamilya lalo na’t kilala ang mga Pinoy sa pagiging family-oriented.
Sakaling maisabatas, maaaring makulong ng isa hanggang anim na buwan at pagmultahin ng hanggang ₱100,000 ang mga anak na mapatutunayang nagpabaya. Gayundin, ang mga inatasan o may obligasyong mag-alaga sa kanilang magulang at magpabaya sa kanila ay maaaring patawan naman ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong at multang hanggang ₱300,000.
Samantala, sa ilalim pa rin ng panukala, magtatayo ng “Old Age Home” para sa mga may edad at may sakit sa bawat probinsya at highly urbanized city. Ang bawat pasilidad ay maaaring tumanggap ng hindi bababa sa limampung magulang. #
