Nationwide consultation para sa RICE Act, ilulunsad ng DA

Inatasan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel, Jr. ang mga opisyal ng ahensya na magsagawa ng konsultasyon sa mga magsasaka at mambabatas kaugnay ng panukalang Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act na tinatalakay ngayon sa Kongreso.
Ayon kay Sec. Laurel, aktibong naghahanda ang kagawaran para sa panukala na inendorso ni House Speaker Martin Romualdez. Iginiit niya na mahalaga ang boses ng mga magsasaka at iba pang stakeholder upang masiguro na patas at makatarungan ang mga probisyon ng bagong batas.

Layon ng RICE Act na amyendahan ang Rice Tariffication Law at ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na mamagitan sa merkado laban sa hoarding at price manipulation.
Giit pa ng Kalihim, dapat ituloy at palawakin ang ₱20 rice program, na aniya’y tumutulong mapaluwag ang bodega ng NFA at mapalaki ang kita ng mga magsasaka.
Kumpiyansa naman ang DA na maipapasa ang bagong batas sa lalong madaling panahon, upang maagapan ang problema sa importasyon at mapatatag ang local production ng bigas sa bansa. #
