Papel ng gobyerno sa online gambling, kinundena ni Cardinal David

Muling tinuligsa ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Cardinal Pablo Virgilio David ang pamahalaan dahil sa umano’y aktibong papel nito sa paglaganap ng online gambling sa bansa.
Sa kaniyang homily sa Kalookan Cathedral nitong Linggo, July 13, sinabi niyang mas masakit tanggapin ang katotohanan na mismong gobyerno pa ang nagpapahintulot sa ganitong uri ng pananamantala.
Kinundena ni David ang tila pagbibigay ng gobyerno ng lisensya sa ilang online gambling platforms bilang pagkukunan ng pondo para sa mga programa na umano’y ginagamit sa pamumulitika.
Tinawag din niyang “digital highway” ang internet kung saan nagiging biktima ang maraming Pilipino — hindi lamang ng mga scammer at online predators, kundi pati na rin ng mga online sugal na pinangungunahan pa ng mga ahensyang tulad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Nanawagan siya sa publiko na huwag tanggapin bilang normal ang kultura ng pagsusugal at sa halip ay bigyang-pansin ang mga biktimang madalas hindi napapansin ng lipunan.
Matatandaang una nang naglabas ng pastoral letter ang CBCP nitong July 8 kung saan hinikayat nila ang pamahalaan na ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling, paigtingin ang regulasyon sa digital payment systems, at magpatupad ng mga konkretong hakbang upang suportahan ang mga pamilyang apektado ng online gambling. #
