Suspek sa Baliwag shooting incident, kalaboso
Arestado ng mga tauhan ng Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company ang isang lalaki na responsable sa pamamaril sa isang inuman sa Brgy. Tibag, Baliwag, Bulacan nitong Sabado, July 12.
Ayon sa report ng pulisya, nagsimula ang insidente sa isang kasiyahan na nauwi sa alitan. Sa gitna ng tensyon, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at nagpaputok sa mga kasamahan sa inuman, na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlong indibidwal. Mabilis itong tumakas sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Tibag-Sabang.

Sa tulong ng impormasyon mula sa isang hindi pinangalanang testigo, agad na ikinasa ng mga otoridad ang isang hot pursuit at dragnet operation.
Ilang minuto lamang ang lumipas, matagumpay na naaresto ang suspek sa mismong bahay nito sa parehong barangay.
Na-recover sa kanya ng mga operatiba ang ginamit na baril at ang motorsiklong kanyang sinakyan sa pagtakas. Agad na dinala sa police station ang suspek para sa imbestigasyon.
Kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa kasong frustrated homicide. #
