‘Biggest Loser 2025’ ng Bataan PPO, tatanggap ng special prize
May premyong naghihintay para sa pulis na makapagtatala ng pinakamalaking bawas sa kanyang timbang sa inilunsad na “Biggest Loser 2025: Weight Loss Challenge” ng Bataan Police Provincial Office (PPO).
Isinagawa ang kick-off activity nito sa Covered Court ng Camp Tolentino sa Balanga City nitong Huwebes, July 10, sa pangunguna ni PCol. Marites Salvador, Provincial Director ng Bataan PPO.


Layunin ng programa na hikayatin ang mga overweight at obese na pulis na simulan ang pagbabago sa kanilang pangangatawan at lifestyle, alinsunod sa direktiba nina Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III at Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director PGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr..
Nagsimula ang programa sa opisyal na ‘weigh in’, kung saan susubaybayan ang progreso ng mga kalahok sa loob ng tatlong buwan.
Gagawaran ng special prize ang pulis na may pinakamatinding transformation at tatanghaling “Biggest Loser”, habang may nakalaan din namang insentibo para sa iba pang magpapakita o makapagtatala ng makabuluhang resulta. #
