Filipino repatriates mula Israel, patuloy na nadaragdagan
Ligtas na nakabalik sa Pilipinas ang kabuuang 38 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Israel sa magkahiwalay na batch repatriation na isinagawa nitong Biyernes, July 4, at Linggo, July 6.

Karamihan sa mga umuwi ay mga caregiver na boluntaryong nag-avail ng repatriation program ng pamahalaan sa gitna ng patuloy na tensyon sa Middle East—25 sa mga ito ang umuwi nitong Linggo habang 13 naman noong Biyernes.

Agad silang sinalubong ng mga kinatawan ng Department of Migrant Workers (DMW), at binigyan ng kaukulang tulong gaya ng financial assistance, TESDA training vouchers, at medical check-up mula sa Department of Health (DOH).
Ayon sa DMW, iniutos mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagbibigay ng agarang suporta sa mga repatriates bilang bahagi ng kanyang direktibang tiyaking ligtas at may sapat na tulong ang bawat OFW na apektado ng krisis sa ibang bansa.
Sa kabuuan, umabot na sa 1,405 OFWs ang na-repatriate mula Israel simula October 2023. Patuloy naman ang pagtutok ng administrasyon sa kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa, lalo na sa mga lugar na apektado ng kaguluhan sa Middle East. #
