OFWs sa UAE, exempted pa rin sa remittance fee ng Emirates NBD

Magpapatuloy ang libreng remittance ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa United Arab Emirates (UAE) sa kabila ng pagpapatupad ng bagong remittance charge ng Emirates National Bank of Dubai (NBD) simula September 1, 2025.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, kabilang ang Pilipinas sa anim na bansa na hindi sakop ng fixed rate fee na 26.25 UAE dirhams para sa mga international money transfer gamit ang DirectRemit service ng bangko.
Bukod sa Pilipinas, exempted rin dito ang bansang India, Pakistan, Egypt, Sri Lanka, at United Kingdom.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang nasa 600,000 ang bilang ng mga OFW sa UAE noong 2023.
Isa ang Pilipinas sa mga top recipient ng remittance sa buong mundo at mahalaga ang bawat padala sa pang-araw-araw na kabuhay ng milyon-milyong pamilya sa bansa.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pasasalamat ang DMW sa gobyerno ng UAE at sa Ministry of Human Resources and Emiratisation (MOHRE) sa patuloy na suporta at pagkalinga sa migrant communities. #
