All-purple birthday party ni Mommy Violet, patok sa netizens
By Danica Jino, CLTV36 News
Instant social media celebrity ang peg ng ginang na si Marilyn de Guia, o mas kilala ngayon bilang “Mommy Violet”.


Tinagurian siyang reyna ng kulay violet matapos umani ng libo-libong views, likes, at shares ang kanyang all-violet lifestyle na talaga namang unique at nakakaaliw.
Walang sinabi ang ube halaya sa OOTD ni Mommy Violet dahil mula buhok, damit, accessories hanggang sapatos—talaga namang color violet lahat!
Sa unang tingin, iisipin mong color-coordinated lang si Mommy Violet. Pero pagpasok sa kanyang bahay, violet overload din—mula pader hanggang sahig, kurtina, lamesa at marami pang iba.
At kung sa palagay niyo ay kabog na ang violet outfit at violet na bahay, hindi pa ‘yan ang dulo ng violet saga!
Kamakailan lang, nagdiwang si Mommy Violet ng kanyang ika-59 na kaarawan, at ang talagang ikinagulat at ikinatuwa ng mga netizens ay ang violet niyang handa.


Violet pancit, violet kanin, violet champorado, at maging violet adobo.
Patunay si Mommy Violet na walang edad o limitasyon sa pagpapahayag ng sariling style! At dahil good vibes ang hatid niya sa social media, marami ang humanga at natuwa sa kanya at sa dedication niya sa paboritong kulay na violet.
Sa ngayon, umabot na ang naturang post ng 55,000 reactions at 44,000 shares. Habang ang kanya namang Facebook followers ay patuloy na lumolobo at kasalukuyang nasa 27,000. #
