Alert level sa Israel, ibinaba sa alert level 2 kasunod ng paghupa ng tensyon
Ibinaba na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alert level sa Israel mula Level 3 (voluntary repatriation) patungong Level 2 (restriction phase), ayon sa anunsyo ng ahensya nitong gabi ng Lunes, June 30.
Epektibo agad ang bagong alert level kasunod ng positive development sa sitwasyon ng seguridad sa Israel.


Ayon sa DFA, patuloy nilang binabantayan ang kalagayan sa rehiyon at agad na magbibigay ng kaukulang update kung kinakailangan. Anila, itinataas ang Alert Level 2 kapag may banta sa buhay, seguridad, at ari-arian ng mga Pilipino dulot ng kaguluhan sa loob ng bansa, instability, at external threat.
Sa ilalim nito, pinapayuhan ang mga Pilipino na umiwas sa matataong lugar, maging handa sa posibleng paglikas, at makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Embahada o Konsulado ng Pilipinas.
Samantala, pinayagan nang muling makabalik sa Israel ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na pansamantalang umuwi sa Pilipinas basta’t may bisa pa ang kanilang Overseas Employment Certificate (OEC) at re-entry visa.
Habang hindi pa rin pinahihintulutan ang mga pilgrim, turista, at iba pang non-essential travels patungong Israel, kabilang na ang mga newly hired worker.
Tinatayang nasa 30,000 ang OFWs sa Israel na karamihan ay nagtatrabaho bilang caregiver at hotel worker, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Noong nakaraang linggo, inanunsyo ni US President Donald Trump ang isang ceasefire agreement sa pagitan ng Israel at Iran.
Matapos nito, idineklara ng Israel ang kanilang “historic victory” sa isinagawang 12-day military action na tinawag na “Operation Rising Lion” mula June 13 hanggang June 24, kung saan sinira umano ang ilang nuclear facility ng Iran.
Bunsod nito, inalis na ng Israel Defense Forces Home Front Command ang lahat ng restriksyon sa mga paaralan, public gatherings, at workplaces. #
