Benepisyo para sa kidney transplant patients at donors, pinalawak ng PhilHealth

Ang Chronic Kidney Disease (CKD) o sakit sa bato ay isa na sa mga pangunahing isyung pangkalusugan sa bansa—isa sa bawat tatlong Pilipino ay maaaring magkaroon nito. Dahil sa matagal at magastos na gamutan, apektado ng CKD hindi lamang ang kalusugan ng pasyente kundi pati na rin ang kanilang kabuhayan, kalidad ng buhay, at mga naipundar.
Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., pinalawak ng PhilHealth ang saklaw ng mga benepisyo nito mula sa dialysis at kidney transplant, hanggang sa tuloy-tuloy na gamutan at regular na pagsusuri ng mga pasyente upang mapanatili ang tagumpay ng operasyon.
Layunin ng programang ito na tanggalin ang mga alalahanin ng ating mga kababayan upang sa pagpapalakas at paggaling na lamang sila makatuon. Kaugnay nito, inilunsad ang dalawang bagong benepisyo sa ilalim ng Z Benefits Package para sa Post-Kidney Transplantation Services—isa para sa mga bata at isa para sa mga nakatatandang pasyente.
Sa ilalim ng bagong benepisyo para sa mga bata, ilan sa mga babayaran ng PhilHealth ay:
- ₱73,065 sa kada-buwan na immunosuppressive medications para sa unang taon at ₱41,150 kada buwan sa mga susunod na taon;
- Hanggang ₱45, 570 na kada buwan na drug prophylaxis o antibiotic para makaiwas sa impeksyon;
- ₱37,585 sa bawat tatlong buwan na pagpapalaboratoryo para sa unang taon at ₱14,078 naman sa kada tatlong buwan para sa mga susunod na taon; at maraming pang ibang serbisyong naka-detalye sa polisiyang ilalabas ng PhilHealth.
Para naman sa mga mas nakatatanda, edad 19 o higit pa, ilan sa mga babayaran ng PhilHealth ay:
- ₱40, 725 sa kada-buwan na immunosuppressive medications;
- ₱18, 932 para sa anim na buwan na gamutan;
- ₱11,242 para sa bawat tatlong buwan na pagpapa-laboratoryo para sa unang taon at ₱8,125 naman sa kada tatlong buwan para sa susunod na taon; at iba pang mga serbisyong naka-detalye sa polisiyang ilalabas ng PhilHealth.
Sa ilalim ng parehong post-Kidney Transplant Services benefits, makatatanggap na rin ng suporta ang mga nagmagandang loob na mag-donate ng kanilang bato. Ang mga living donor para sa mga bata at mga mas nakatatanda ay parehong makatatanggap ng ₱1,900 para sa kada anim na buwan na pagpapa-laboratoryo at monitoring mula sa PhilHealth. Itong kalinga at suportang hatid natin para ating donors ay bunga ng ating pagkaunawa ng kahalagahan ng komunidad sa pagsisiguro ng kalusugan ng lahat.
Kaya naman, patuloy na pinaiigting ng PhilHealth ang paglilingkod nang tayo ay makapaghatid ng isang mabilis, patas, at mapagkakatiwalaang gabay sa bawat Pilipino.
#SamasamangPagangatsaBagongPilipinas
##
