Reserbang krudo ng Pinas, tatagal nang isang buwan: DOE

Positibo ang pamahalaan na mananatiling sapat ang supply ng langis sa Pilipinas sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa press briefing ng Malacañang nitong Martes, June 24, sinabi ni Energy Department OIC Sharon Garin na mayroong 30-day average oil buffer stock ang mga petroleum company sa bansa.
Tiniyak din ng opisyal na may alternatibong mapagkukunan ng langis ang Pilipinas gaya ng US at Canada sakaling magpatuloy ang tensyon sa Middle East.
As of June 24, bumaba na sa $69 mula sa dating mahigit $70 per barrel ang presyo ng krudo sa world market. Ayon kay Garin, posibleng may kinalaman dito ang mga pronouncement ni US President Donald Trump ukol sa ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran.
Gayunpaman, nakahanda aniya ang gobyernong magbigay ng ayuda sa mga kababayan nating labis na apektado ng pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo. Mayroon umanong ₱2.5 billion na pondong nakalaan para sa fuel subsidy. Ani Garin, posibleng i-release ito oras na pumalo sa $80 per barrel ang presyo ng langis sa global market.
Sinagot naman ni Garin ang panawagan ng iba’t ibang grupo na suspendihin ang Value Added Tax at Excise Tax sa langis. Aniya, kailangan ng pag-amyenda sa batas para suspendihin ito dahil batas din ang pamantayan ng implementasyon ng mga nasabing buwis.
Simula 6 AM ngayong Martes, tumaas nang ₱1.75 ang kada litro ng gasolina, ₱2.60/L sa diesel, at ₱2.40/L naman sa kerosene. Posible pa itong masundan ng isa pang taas-presyo sa Huwebes, June 26, bilang ikalawang bahagi ng staggered adjustment na inaprubahan ng DOE. #
