41 residente mula Central Luzon, nabigyan ng titulo ng lupa ng DENR
Nakatanggap ng mga titulo ng lupa ang nasa 41 residente mula sa mga lalawigan ng Aurora, Tarlac, at Zambales sa isinagawang Serbisyo Fair ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Environment Month.

Kabilang sa mga ipinamahagi ang mga agricultural at residential free patents na may kabuuang lawak na 191,000 hectares. Layunin ng programa na mabigyan ng legal land ownership ang mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ayon kay DENR Regional Executive Director Ralph Pablo, mahalaga ang pagkakaroon ng sariling lupa sa pagpapalakas ng tiwala ng mamamayan na linangin ang kanilang ari-arian. Nakatutulong din umano ito sa paglago ng ekonomiya at sa mas responsableng paggamit ng kalikasan.
“By granting legal recognition to individuals and families, we are not only securing their rightful ownership but also empowering them to cultivate their land with confidence. Stable land tenure serves as a foundation for responsible development, opening doors to economic opportunities and promoting environmental sustainability for future generations,” ani Pablo.
Ang naturang Serbisyo Fair ay idinaos sa pitong lalawigan sa Central Luzon sa pamamagitan ng provincial at community offices ng DENR. #
