₱10.2-B na shabu, nasabat sa fishing vessel sa Zambales
Nasabat ng mga otoridad ang humigit-kumulang 1.5 tonelada ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱10.2-billion mula sa isang fishing vessel sa karagatan ng Zambales pasado hatinggabi nitong Biyernes, June 20.

Ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sakay ng naturang bangka ang isang Chinese-Malaysian national na pinaniniwalaang kasapi ng Sam Gor International Crime Syndicate.
Ang grupo ay isang kilalang drug cartel na responsable umano sa floating shabu operations sa coastal areas ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Sur, Ilocos Norte at Cagayan.
Isinagawa ang operasyon sa tulong ng Philippine Navy-Northern Luzon Naval Command, PNP Drug Enforcement Group, at Police Regional Office 3.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, ginawa ang tangkang pagpupuslit sa gabi para makaiwas sa mga otoridad. Patuloy ngayon ang imbestigasyon sa lokal na may-ari ng bangka na posibleng sangkot sa krimen.
Tiniyak naman ng mga kinauukulan na mas paiigtingin pa ang pagbabantay sa mga baybayin upang hindi ito gawing entry at exit point ng mga sindikatong nagtutulak ng iligal na droga sa bansa. #
