PWD na binugbog sa bus, tinulungan ng DSWD at LGU; driver at konduktor, sinuspinde
By MC Galang, CLTV36 News
Nagkaisa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at LGU ng San Jose del Monte, Bulacan, sa pagbibigay ng agarang tulong sa isang pasaherong may autism disorder na umano’y binugbog sa loob ng pampasaherong bus.
Sa pamamagitan ng Wireless Mental Health and Psychosocial Support o WiSupport program ng DSWD, tiniyak ng ahensya na magbibigay ito ng angkop na tulong at suporta para sa mga indibidwal na dumaranas ng matinding krisis at mga isyung may kinalaman sa mental health, gaya ng anxiety at depression.
Kaugnay nito, tiniyak ng Assistant Secretary at spokesperson ng DSWD na si Irene Dumlao na bibigyang-prayoridad ng ahensya ang pagpapatuloy ng therapy ng biktima, na pansamantalang nahinto dahil sa kawalan ng pinansyal na kapasidad.
Dagdag pa ng opisyal, kasalukuyan ding pinag-aaralan ng DSWD ang posibilidad na matulungan ang pamilya sa pagsasampa ng criminal case laban sa responsable sa insidente.
Patuloy rin ang koordinasyon nila sa SJDM LGU upang maibigay ang iba pang kinakailangang tulong para sa lubos na paggaling ng biktima.
Samantala, pinatawag na ng Department of Transportation o DOTr ang pamunuan ng Precious Grace Bus Co. para magpaliwanag sa umano’y kapabayaan ng kanilang driver at konduktor, na bigong protektahan at i-report ang insidente sa mga otoridad.
Bilang tugon, agad na sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver na si Mark Ivan Ramos at ng konduktor na si Francis Sauro habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Lumalabas din sa mga unang imbestigasyon na isa sa mga sangkot sa pananakit ay ang mismong konduktor na umano’y kumuryente sa biktima.
Samantala, tiniyak ng DOTr ang kanilang tuloy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang matukoy at mahuli ang mga indibidwal na sangkot sa pananakit. #
