18 OFW, balik-Pinas dahil sa lumalalang tensyon sa Israel at Iran
Ligtas na nakabalik sa Pilipinas ang 18 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Middle East sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Sinalubong sila ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Lunes, June 16.

15 sa mga umuwi ay galing Israel, habang tatlo naman ang bagong hire mula Jordan. Na-stranded sila nang halos 48 hours sa Dubai bago naibyahe pabalik ng bansa sa tulong ng Migrant Workers Office (MWO).
Ayon sa DMW, dalawa sa mga OFW sa Israel ang sugatan sa serye ng missile attacks ng Iran. Isa ang nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang nasa intensive care unit sa isang ospital sa Rehovot, habang ang isa pa ay nagtamo ng moderate injuries at nagpapagaling malapit sa Tel Aviv.
Bagama’t may mga bomb shelter sa Israel, iginiit ng Kagawaran na may mga pagkakataong hindi agad nakalilikas ang mga tao, dahilan upang may mga tamaan ng pagsabog. Tiniyak naman ng DMW at OWWA na may mga welfare officer sa lugar upang magbigay ng suporta at tulong sa relocation ng mga apektadong manggagawa.
Batay sa tala ng DMW, nasa 92 OFWs na ang nagparehistro para sa voluntary repatriation habang hinihintay ang pagbubukas ng Ben Gurion International Airport sa Tel Aviv.
Samantala, tumanggap na ng tig-₱50,000 financial assistance ang mga bagong dating na OFW bilang pansamantalang ayuda habang wala pa silang hanapbuhay.

Dagdag pa rito, tinutulungan din silang makauwi sa kani-kanilang mga probinsya at binibigyan ng pansamantalang matutuluyan sa Maynila. #
