Chinese Navy vessels, namataan sa West Philippine Sea kasabay ng joint patrol ng Pilipinas at Japan
Naging maayos at walang aberyang naiulat sa ikalawang joint maritime patrol ng Pilipinas at Japan sa West Philippine Sea nitong Sabado, June 14, kahit pa namataan sa lugar ang dalawang barko ng Chinese Navy.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nakita ang mga barkong Luyang III at Jiangkai II ng People’s Liberation Army Navy habang isinasagawa ang bilateral maritime cooperative activity (MCA), ngunit nanatili naman umanong malumanay ang dalawang panig at walang naitalang insidente.
Isinagawa ang naturang aktibidad sa bahagi ng karagatan mula sa kanlurang bahagi ng Zambales hanggang sa hilagang-kanluran ng Occidental Mindoro na sakop ng exclusive economic zone ng bansa. Isa itong hakbang sa ilalim ng pinalakas na ugnayang militar ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan ng Reciprocal Access Agreement (RAA).
Ipinadala ng AFP ang guided missile frigate na BRP Miguel Malvar (FFG-06), AW-159 “Wildcat” helicopter, at isang surveillance aircraft ng Philippine Air Force. Habang mula naman sa Japan ang JS Takanami (DDG-110) at SH-60K “Seahawk” helicopter.
Kabilang sa mga isinagawang maritime exercise ang communication drills, anti-submarine warfare, division tactics, at cross-deck operations na layong palakasin ang kakayahan ng dalawang bansa sa pagtugon sa mga hamon sa karagatan.
Binigyang-diin ng AFP na ang matagumpay na pagsasagawa ng MCA ay nagpapakita ng lumalalim na kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan, at nagsisilbing malinaw na mensahe ng kahandaan ng dalawang bansa na ipagtanggol ang kaayusan at karapatan sa West Philippine Sea.
Matatandaang unang nagsagawa ng joint activity ang Pilipinas at Japan noong August 2, 2024. #
