Pura Luka Vega, acquitted sa kaso ng kontrobersyal na “Ama Namin” drag performance
Ipinawalang-sala ng Manila Regional Trial Court – Branch 184 si Amadeus Fernando Pagente, o mas kilala bilang Pura Luka Vega, kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya ng ilang miyembro ng Hijos del Nazareno.

Ang kaso ay bunsod ng viral drag performance noong 2023, kung saan ginampanan ni Pura Luka ang katauhan ni Hesus habang sumasayaw sa isang bar sa saliw ng rock remix ng Catholic mass song na “Ama Namin.”
Inaresto si Pura Luka Vega noong October 2023 at naharap sa matinding batikos mula sa iba’t ibang sektor at LGU. Umabot sa 17 lungsod at bayan ang nagdeklara sa kanya bilang persona non grata, kabilang na ang Maynila, Cebu, Laguna, at iba pa.

Sa statement ni Pura Luka sa Facebook page ng Rainbow Rights Philippines, inihayag ng drag performer ang kanyang pagkagalak sa naging pasya ng Korte. Aniya, patunay umano ito na nananaig pa rin ang hustisya.
Paliwanag pa niya, ang nasabing performance ay hindi pambabastos kundi isang ekspresyon at interpretasyon ng kanilang pananampalataya at pagkakaroon ng kalayaang magpahayag. #
