Barangay captain sa Talavera, Nueva Ecija, patay sa pamamaril
By Efren P. Olinares, CLTV36 News intern
Patay sa pamamaril ang isang kapitan ng barangay sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija.
Batay sa report ng PNP, pauwi na sakay ng motor ang biktimang si Kapitan Joel Damacio, kasama ang isang tanod, mula sa Brigada Eskwela sa Barangay Calipahan nitong Lunes, June 9, nang tambangan siya ng salarin na sakay rin ng isang motor.

Binaril ng suspek si Damacio gamit ang 9mm pistol na kaagad tumakas matapos ang pangyayari.
May lead na raw ang mga otoridad ukol sa pagkakakilanlan ng salarin bagama’t patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon sa ikalulutas ng insidente.
Mariin namang kinundena ni Mayor JR Santos ng Talavera ang naging pamamaslang.

Ayon sa alkalde, hindi matanggap ng lokal na pamahaalan ang marahas na krimen laban sa isang tapat na lingkod-bayan.
“Ang kanyang pagkamatay ay hindi lamang isang malalim na pagkawala para sa kanyang pamilya at mga mahal sa buhay, kundi isang masakit na dagok sa kapayapaan at espiritu ng pagkakaisa ng ating buong bayan,” saad ni Mayor Santos sa statement na inilabas niya sa kanyang Facebook page.
Samantala, naglaan din ang alkalde ng naturang bayan ng ₱500,000 reward money para sa agarang pagdakip sa suspek. #
