₱4.1-B transport hub, target itayo sa Subic

Plano ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Subic Bay Freeport Grain Terminal Services, Inc. na magtayo ng multi-modal logistics at transport hub sa loob ng Subic Bay Freeport.
May estimated value na ₱4.135-billion ang itatayong pasilidad na layong palakasin at patatagin ang posisyon ng Subic pagdating sa global trade map.
Batay sa nilagdaan nilang kasunduan, sisimulan ang konstruksyon ng isang high-impact logistics complex na mag-uugnay sa Subic Port District at Subic Bay International Airport na isang hakbang umano na magpapabilis sa daloy ng produkto sa loob at labas ng bansa.
Itatayo ang mga pasilidad para sa grain storage, petroleum tank farm, dry at cold storage, airport logistics hub, hospitality center para sa cruise passengers, at bagong wharf na kayang tumanggap ng ultra-large vessels gaya ng mga imprastrukturang idinisenyo upang itaas ang kapasidad, kita, at global competitiveness ng Subic.
Inaaasahang makalilikha ng halos 800 trabaho at makapagbubukas ng mas malawak na oportunidad para sa negosyo’t pamumuhunan. #
