Ilang hindi lisensyadong piggery sa Central Luzon, pinagpapaliwanag ng DA
Naglabas ng show cause orders ang Department of Agriculture (DA) – Bureau of Animal Industry (BAI) laban sa siyam na piggery sa Central Luzon na umano’y nag-o-operate nang walang kaukulang lisensya.
Hindi idinetalye ang pangalan ng naturang pig farms, subalit ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., matatagpuan ang mga ito sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, at Tarlac.
Pinagpapaliwanag na ng Kagawaran ang mga piggery kung bakit patuloy ang kanilang operasyon sa kabila ng hindi nila pagsunod sa mga regulasyon na ipinatutupad ng ahensya.
Binigyang-diin ni Laurel na ang mga ganitong paglabag ay banta sa pambansang layunin na mapatatag ang supply at presyo ng karneng baboy, lalo na habang patuloy na bumabangon ang bansa mula sa natamong epekto ng African Swine Fever (ASF).
Ayon naman kay BAI Acting Director Christian Daguigan, naipamahagi na ang mga show cause order at kasalukuyan na nilang nire-review ang mga sagot ng ilang nabigyan nito. Dagdag pa niya, maaari pa umanong magkaroon ng karagdagang hakbang depende sa resulta ng pagsusuri.
Samantala, inatasan na rin ni Secretary Laurel ang BAI na palawakin ang inspeksyon sa iba pang mga piggery sa buong bansa upang matiyak na sumusunod ang lahat sa tamang proseso. #
