Presensya ng AFP sa West Philippine Sea, mas pinalakas
Mas pinaigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang presensya sa West Philippine Sea. Ito ay matapos magsagawa ng maritime patrol at iba’t ibang ground activities sa Likas Island na isa sa mga teritoryong okupado ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group.
Bahagi raw ito ng mas pinalawak na hakbang ng militar para ipagtanggol ang soberanya ng bansa at tiyaking tuloy-tuloy ang pagpapatrol ng militar sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Ayon sa AFP, kabilang sa mga isinagawa nila sa kanilang pagbisita ang shore-to-shore operation, direktang pakikipag-ugnayan sa mga deployed personnel, at pangangalap ng impormasyon mula sa mga sundalo sa lugar.
Itinuturing ng AFP na isang mahalagang bahagi ng national defense ng Pilipinas ang Likas Island, lalo na sa pagpapanatili ng maritime situational awareness sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, iginiit ng militar ang pangakong susuportahan ang mga sundalong naka-deploy sa malalayong lugar.

Samantala, nagsagawa rin ng maritime patrol ang AFP sa Parola nitong Miyerkules, June 4, bilang bahagi ng serye ng operasyon na tatagal hanggang Sabado, June 7. Layunin ng mga aktibidad na tiyaking maayos ang koordinasyon ng seguridad sa karagatan at mapanatili ang matatag na depensa ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group. #
