2 suspek sa carnapping, nasakote sa Bulacan
Arestado ang dalawang suspek sa magkahiwalay na insidente ng carnapping sa lalawigan ng Bulacan nitong Miyerkules, June 3.
Sa City of San Jose del Monte, dinakip ng mga otoridad ang suspek na kinilalang si alyas “Sayrus”, na residente ng Tala, Caloocan City. Batay sa imbestigasyon ng San Jose del Monte City Police Station, ninakaw ng salarin ang motorsiklo ng biktima na naka-park sa harap ng bahay nito sa Brgy. Graceville.

Sa tulong ng mga saksi at koordinasyon sa Caloocan Police, nahuli si Sayrus habang ibinebenta ang nakaw na motorsiklo.
Sa bayan naman ng Pandi, arestado ang suspek na si “JR”, 23-anyos, matapos niyang pasukin ang garahe ng isang bahay sa Brgy. Cacarong Bata at tangayin ang isang motorsiklo.

Isang residente sa lugar ang nakakita ng pangyayari at kaagad na nagtimbre sa mga rumorondang pulis. Sa isinagawang follow-up operation ng Pandi MPS, naaresto ang suspek at nabawi ang ninakaw na motor.
Nasa kustodiya na ng mga kinauukulang istasyon ng pulisya ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong may kinalaman sa paglabag sa Republic Act No. 10883 o ang New Anti-Carnapping Law of 2016. #
