Pimentel at De Lima, pinuna ang delay ng impeachment trial ni VP Sara sa Senado
Maaari pang ituloy ng Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahit patapos na ang 19th Congress, ayon kay Minority Leader Koko Pimentel III.
Iginiit ni Pimentel sa kanilang plenary session nitong Lunes, June 2, na tanging ang Senado lamang ang may kapangyarihang litisin ang mga kaso ng impeachment, at walang probisyon na pumipigil sa pag-convene ng impeachment court.

Ipinunto rin ng Senador na hindi makaaapekto sa non-legislative functions ng Senado ang adjournment ng kasalukuyang Kongreso.
Matatandaang ipinagpaliban ni Senate President Chiz Escudero ang presentation of Articles of Impeachment ni VP Sara. Una itong itinakda nitong June 2, 2025, subalit iniurong ito sa June 11, 2025 upang tutukan at bigyang-daan umano ang deliberasyon sa mga mahahalagang panukala.
Samantala, sa isang Facebook post, binatikos ni Representative-elect Leila de Lima ang naturang pagkaantala ng impeachment trial ni VP Sara. Aniya, malinaw sa Konstitusyon na tungkulin ng Senado na agad umakto bilang impeachment court matapos matanggap ang impeachment complaint mula sa Kamara.

Tinuligsa rin ni De Lima ang pahayag ni Escudero na kailangan pa raw suriin ang mga patakaran. Aniya, kung talagang seryoso ang Senado sa tungkulin nito, wala nang dahilan para ipagpaliban pa ang proseso.
Dagdag pa niya, ang delay ay hindi na umano usapin ng legal na proseso kundi malinaw na pagprotekta sa makapangyarihan. #
