₱47.8-M flood control project sa Rio Chico River, layong maibsan ang pagbaha sa Guimba, Nueva Ecija
Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ₱47.8-million flood control project sa kahabaan ng Rio Chico River sa Barangay Macamias, Guimba, Nueva Ecija.
Batay sa report ni DPWH Region 3 Director Roseller A. Tolentino kay Secretary Manuel M. Bonoan, makatutulong ang proyekto upang mapalakas ang kakayahan ng komunidad na labanan ang epekto ng matitinding pagbaha sa lugar.
Madalas umanong umapaw ang Rio Chico River tuwing bumubuhos ang malalakas na ulan, kaya’t madalas na nalalagay sa alanganin ang buhay, sakahan, at kabuhayan ng mga residente ng naturang barangay.

Ang proyektong ay isinagawa sa dalawang bahagi at kinabibilangan ng paglalagay ng mga flood control structure gaya sheet piles, concrete beam coping, at gabions na idinisenyo upang mapatatag ang kabuuang estruktura at mapigilan ang pinsalang dulot ng malalakas na agos ng tubig.
Sumasaklaw ang Phase 1 ng proyekto sa 79 meters na flood mitigation infrastructure na may steel foundation upang matiyak ang pangmatagalang tibay. Sa Phase 2 naman, nadagdag ang 127.5 meters na slope protection na gawa sa konkreto upang labanan ang pagguho ng lupa at mapalakas ang embankments.
Ani Tolentino, makatutulong ang ganitong uri ng river control structure hindi lamang sa kaligtasan ng mga mamamayan kundi nagbibigay rin ng suporta sa ekonomiya at pag-unlad. #
