6-year term para sa Barangay at SK officials, iminungkahi sa Senado
Nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na palawigin sa anim na taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) simula sa kanilang pagkakahalal noong 2023.
Ayon sa mambabatas, makatutulong ang mas mahabang panunungkulan ng barangay officials para hindi sumabay ang kanilang halalan sa presidential elections na magaganap sa 2028.
“Let’s not exhaust the Filipino people,” ani Pimentel. “Right after electing a new president, vice president, senators, and congressmen, do we really want to send voters back to the polls for barangay elections? It’s too much.”
(“Huwag nating pagurin ang taumbayan. Matapos silang bumoto para sa bagong pangulo, bise presidente, mga senador, at kongresista, gusto pa ba nating bumalik agad sila sa mga presinto para sa barangay elections? Sobra na ‘yan.”)
Naipasa na ng Kamara ang bersyon ng panukalang batas na nagpapalawig ng anim na taong termino para sa barangay at SK officials, habang apat na taon lang ang itinakda sa bersyon ng Senado.
Sa bicameral conference committee, kung saan pinagtutugma ang magkaibang bersyon ng panukala, iginiit ni Pimentel na isusulong niya ang anim na taong termino na bibilangin mula 2023. Kung maisasabatas, ang susunod na BSKE ay magaganap sa 2029.
“I will propose that the six-year term begin from 2023, the year they were elected,” ayon kay Pimentel. “That means the next barangay elections will be in 2029, avoiding overlap with the 2028 presidential elections and giving our communities a period of political stability.”
(“Iminumungkahi ko na ang anim na taong termino ay magsimula sa 2023, ang taon ng kanilang pagkakahalal. Sa ganitong paraan, sa 2029 pa ang susunod na halalan, maiiwasan ang pagsabay nito sa presidential elections sa 2028 at magkakaroon ng political stability ang mga komunidad.”)
Pinaliwanag din ng Senador na ang mas mahabang termino ay magbibigay ng sapat na panahon sa mga opisyal ng barangay para maisakatuparan ang mga programa at masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo sa kanilang mga komunidad.
“Barangay leaders are at the frontlines of service delivery,” dagdag ni Pimentel. “They need time and stability to see projects through—whether it’s health programs, infrastructure, or disaster response systems. We can’t expect meaningful impact if we’re constantly cutting their terms short.”
(“Nasa unahan ng serbisyo publiko ang mga barangay leader. Kailangan nila ng oras at katatagan upang matapos ang mga proyekto—ito man ay programang pangkalusugan, imprastruktura, o disaster response. Hindi natin dapat inaasahan ang tunay na pagbabago kung palaging maikli ang kanilang termino.”)
Sinabi ni Pimentel na makatutulong ang kanyang panukala upang wakasan ang paulit-ulit na pagkaantala ng barangay elections at magdala ng higit na katiyakan sa schedule ng halalan sa lokal na antas.
Samantala, hindi na bago ang ideya ng pagpapalawig sa termino ng barangay at SK officials. Matatandaan noong 2019, iminungkahi ni yumaong dating Interior Undersecretary Martin Diño ang pagpasa ng Magna Carta for Barangays, kung saan kabilang ang pagpapalawig ng termino ng barangay officials at pagbibigay ng karagdagang benepisyo sa kanila.
April 2024 naman nang ihain ni Senator Imee Marcos ang Senate Bill No. 2629 na naglalayong i-extend ang termino ng barangay officials mula tatlo hanggang anim na taon. Para sa mambabatas, ang present term na three years ay hindi sapat upang maisakatuparan ang mga proyekto at programa ng mga opisyal ng barangay. #
