Covid-19 cases, tumaas sa ilang bansa sa Southeast Asia; OFWs, pinayuhang mag-ingat
Muling nananawagan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa ating mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs) na maging mapagmatyag at patuloy na sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols sa bansang kanilang kinaroroonan. Ito’y matapos maitala ang pagtaas ng Covid-19 cases sa ilang bahagi ng Southeast Asia.
Sa isang Facebook post, hinikayat ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac ang mga OFW na manatiling alerto at huwag magpabaya sa kanilang kalusugan.
Nitong nakaraang linggo, iniulat ng Singapore ang pagtaas ng kaso ng sakit. ngunit ayon sa kanilang Ministry of Health, wala namang indikasyon na mas nakahahawa o mas malala ang mga umiikot na variant.
Sa Hong Kong naman, naitala ang major surveillance indicator sa loob ng isang taon. ayon sa kanilang health agency, posible itong dulot ng pagbabago sa dominant strain ng virus at pagbaba ng herd immunity.
Bagama’t wala pang naitatalang seryosong banta sa mga kababayan nating OFW, iginiit ng DMW na mahalaga pa ring mag-ingat upang maiwasan ang pagkakahawa sa sakit.
Samantala, nauna nang nilinaw ng Department of Health o DOH na walang dapat ikabahala ang publiko dito sa bansa. Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, nananatiling mababa ang bilang ng kaso ng Covid-19 sa bansa sa nakalipas na apat na buwan.
“Sa Pilipinas, ang naitalang Covid-19 cases mula Enero hanggang Mayo 3, 2025 ay nasa 1,774. Mas mababa po ito nang 87% mula noong nakaraang taon. Mula sa 71 isang kaso, bumaba rin po ang naitalang kaso sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo sa 65 na kaso,” ani Sec. Herbosa.
Gayunpaman, ipinaalala pa rin ng Kagawaran ang kahalagahan ng preventive measures laban sa naturang virus.
“Sa kabila ng pagbaba ng kaso ng Covid-19 sa bansa, masa maganda po na patuloy ang pag-iwas sa sakit. Magsuot ng facemask, manatili sa bahay kung may sakit, takpan ang bibig at ilong kung uubo o babahing, regular na maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon, agad magpakonsulta sakaling magkaroon ng sintomas ng Covid,” dagdag pa ng Kalihim. #
