10 bus drivers at 8 konduktor, tinanggalan ng lisensya ng LTO matapos magpositibo sa drug test
By Ashley Punzalan, CLTV36 News
18 bus driver at konduktor ang tuluyang binawian ng lisensya ng Land Transportation Office (LTO) matapos magpositibo sa random and surprise drug tests.
Katuwang ng LTO sa pagsasagawa ng surprise drug testing ang Department of Transportation (DOTr).
Ang naturang hakbang ay alinsunod umano sa panukala ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos na paigtingin ang kampanya ng gobyerno sa pagpapanatili ng seguridad sa mga kalsada.
Sampu sa mga tinanggalan ng lisesnya ay mga drayber ng bus mula sa Victory Liner habang anim naman ay mga konduktor sa parehong bus company.
Bukod dito, dalawang konduktor rin mula sa Solid North Transport, Inc. ang natanggalan ng lisensya dahil sa positive drug test nitong May 5.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang kanilang aksyon ay batay sa Republic Act 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 at Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code na mahigpit na nagbabawal sa pagmamaneho habang nasa impluwensya ng ipinagbabawal na gamot.
Dagdag ni Asec Mendoza, matindi ang pananagutan at responsibilidad ng mga tsuper dahil sa kanila nakasalalay buhay at kaligtasan ng mga pasahero kaya’t hindi dapat binabalewala ang epekto ng droga sa kanilang tungkulin. Kaya naman bukod sa revocation of license, habambuhay na rin silang disqualified sa pagkakaroon ng driver’s license at conductor’s license.
Samantala, nagbabala naman si DOTr Secretary Vince Dizon sa mga bus companes na posibleng kanselahin ang kanilang mga prangkisa kung mapag-alamang pinapayagan pa ring magmaneho ang mga driver na sangkot sa ilegal na droga. #
