8 drug suspects, arestado; higit ₱1.6-M na halaga ng shabu, nakumpiska sa pinalakas na kampanya kontra droga
By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Umabot sa mahigit ₱1.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa walong suspek na naaresto sa magkakahiwalay na anti-drug operations sa Bataan at Nueva Ecija nitong Linggo hanggang Lunes, May 18 at 19.
Sa Bataan, anim na suspek ang nahuli sa ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan kasama ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Balanga City Police Station sa Brgy. Cataning nitong May 18. Nakumpiska ng mga otoridad ang limang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱748,000.
Samantala, isang high-value target naman ang naaresto sa Samal, Bataan. Nakumpiska sa kanya ang humigit-kumulang 56 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa ₱380,800 ang halaga, isang caliber .38 na baril na may apat na bala, at ₱1,000 marked money. Isinagawa ang operasyon ng Samal Municipal Police Station kasama ang Provincial Intelligence Unit (PIU), 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), at Police Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU).
Arestado rin ang isang alyas “Orly”, 43 years old, sa buy-bust operation ng Cabanatuan City Police Station sa Cabanatuan City, Nueva Ecija. Nasamsam sa kanya ang nasa 70.20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱477,360.00.
Ang mga naarestong indibidwal ay nasa kustodiya na ng mga otoridad at sasailalim sa masusing imbestigasyon. Nakahanda na rin umano ang mga kasong isasampa laban sa kanila kaugnay ng pagkakasangkot sa ilegal na droga at iba pang mga paglabag na may kaugnayan sa isinagawang operasyon. #
