Nanalong 52 party-list groups sa Halalan 2025, ipinroklama na ng Comelec
Opisyal nang ipinroklama ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes, May 19, ang 52 out of 54 party-list groups na nanalo sa 2025 National and Local Elections.
Aabot sa 59 na pwesto sa Kamara ang nakalaan para sa party-list representatives, alinsunod sa party-list system na bumubuo ng 20% ng kabuuang miyembro ng House of Representatives.
Nanguna sa listahan ang Akbayan Partylist na may mahigit 2.7 million votes. Sinundan sila ng Duterte Youth na nakakuha ng mahigit sa 2.3 million votes, at ang Tingog na nakakuha naman ng halos 1.8 million votes. Tatlong pwesto sa Kongreso ang inilaan sa bawat isa sa kanila.

Tatlong party-list group naman ang makakakuha ng tig-dalawang pwesto: ang 4Ps, ACT-CIS, at Ako Bicol. Habang 47 party-list groups naman ang makakukuha ng tig-iisang upuan sa Kamara, kabilang na ang Uswag-Ilonggo, Solid North, Trabaho, CIBAC, Senior Citizen, LPGMA, at marami pang iba.
Sa kabuuan, mahigit sa 41.9 milyong boto ang naitala ng National Board of Canvassers o NBOC para sa party-list election. Ang mga bagong kinatawan ay manunumpa sa June 30, 2025, at magsisilbi hanggang June 30, 2028.
Gayunpaman, hindi pa naipoproklama ang Duterte Youth Partylist at Bagong Henerasyon Partylist dahil sa mga nakabinbing kaso ng diskwalipikasyon laban sa kanila.
Sa isang Facebook post, naglabas ng pahayag ang Duterte Youth sa naging desisyon ng Comelec kaugnay ng kanilang proklamasyon. Tinawag nilang Grave Abuse of Discretion ang ginawa ng Komisyon. Nagbanta rin ang grupo na ilalantad nila ang umano’y katiwalian sa loob ng Kongreso at sa mismong ahensya kung hindi sila mapauupo.
Samantala, halos ganito rin ang statement ng Bagong Henerasyon Partylist sa post sa kanilang Facebook page. Ayon sa BH Partylist, ang pagsuspinde ng Comelec sa kanilang proklamasyon ay hindi lamang kawalan ng hustisya, kundi isang paglabag sa Saligang Batas ng Pilipinas. Kaugnay nito, naghain na raw sila ng Urgent Motion to Proclaim sa Comelec. #
