Driver, nasakote dahil sa umano’y pamimigay ng pagkain sa mga botante
Inaresto ng mga tauhan ng San Jose Del Monte City Police Station ang isang 62-anyos na drayber ng isang tumatakbong alkalde matapos maaktuhang namimigay ng food packs sa mga botante sa araw mismo ng eleksyon nitong May 12, 2025.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong 5:40 PM nang makatanggap ng tip ang Police Community Precinct 1 mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang sasakyang umiikot sa Tungkong Mangga Elementary School. Ang naturang sasakyan ay may mga marka ng pangalan ng isang kandidato.
Agad na rumesponde ang mga operatiba ng SJDM CPS, kasama ang City Traffic Management Office (CTMO). Pagdating nila sa lugar, doon na naaktuhan ang drayber na aktibong namimigay ng food packs sa labas ng paaralan.

Kinilala ang suspek bilang residente ng Brgy. Mulawin at umano’y may direktang ugnayan sa kandidato. Inaresto siya sa paglabag sa Omnibus Election Code na nagbabawal sa pamimigay ng pagkain, pera, o anumang bagay na maaaring makaapekto sa desisyon ng botante.
Aa isang pahayag, iginiit ni PBGen Jean S. Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO 3), na seryoso ang PNP sa pagpapatupad ng mga batas panghalalan. Aniya, hindi umano sila mangingimi sa pagsasampa ng kaso sa sinumang lalabag sa batas. #
