Eleksyon sa Central Luzon, naging maayos: PRO 3
Idineklara ng Police Regional Office 3 (PRO 3) na naging maayos at mapayapa ang katatapos lamang na 2025 National and Local Elections sa Central Luzon. Wala umanong naitalang malalaking aberya o insidente na nakaapekto sa kabuuang proseso ng halalan.

Sa ulat ng PRO 3, nanatiling organisado ang buong eleksyon sa rehiyon mula sa pagbubukas ng polling precincts hanggang sa pagsasara ng botohan bandang 7 PM.
Patuloy raw na nakaalerto ang kapulisan sa pagtitiyak ng ligtas na transmission ng election returns mula sa vote counting machines (VCMs) patungo sa canvassing centers.
Ayon kay PRO 3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo, nagkaroon man ng ilang teknikal na aberya sa ilang lugar, hindi ito nakaapekto sa pangkalahatang kaayusan ng 2025 National and Local Elections.
Pinasalamatan din ni Fajardo ang dedikasyon ng mga pulis na naka-deploy sa buong Central Luzon, pati na rin sa matibay na koordinasyon ng Commission on Elections (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang law enforcement agencies na naging katuwang sa pagpapatupad ng seguridad.
Iginiit ng PRO 3 na ang tagumpay ng mapayapang halalan ay bunga rin ng aktibong partisipasyon at disiplina ng publiko. #
