Mahigit 400 reklamo ng vote-buying at abuse of state resources, natanggap ng Comelec bago ang Halalan 2025
Umabot na sa 439 ang kabuuang bilang ng mga reklamong natanggap ng Commission on Elections (Comelec) sa buong bansa kaugnay ng vote-buying at abuse of state resources, ilang araw bago ang nakatakdang halalan sa Lunes, May 12.
Sa report ng Philippine News Agency, inihayag ni Comelec Commissioner Ernesto Maceda Jr., Chairperson ng Committee on Kontra Bigay, na karamihan sa mga reklamo ay may kinalaman sa pamimigay ng pera, ayuda, at iba pang bagay na may halaga na maaaring ituring na suhol.
Dagdag pa ni Maceda, 268 sa mga reklamo ay tumutukoy sa vote-buying, 130 naman ang may kaugnayan sa pag-abuso sa social welfare programs, habang 41 ay kombinasyon ng dalawang paglabag.
Binanggit din ng opisyal na patuloy ang pagsusuri sa mga kaso upang matukoy kung may sapat na basehan para magsampa ng election offense o disqualification laban sa mga sangkot.
Samantala, tiniyak ni Comelec Chairperson George Garcia na handa silang ipagpaliban ang proklamasyon ng mga kandidatong may kinahaharap na mabibigat na reklamo.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na dapat may malinaw at matibay na ebidensiya bago ito gawin, at hindi lamang nakabase sa mga tsismis. Mahalaga rin daw na timbangin ang boto ng taumbayan sa pagdedesisyon ng Comelec. #
